Inisyuhan ng arrest warrant si Atty. Levito Baligod, abogado ng 18 dating bodyguards umano ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, kaugnay ng kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya.
Kinumpirma ni Baligod sa kaniyang Facebook account na naglabas ang Makati Regional Trial Court Branch 148 ng warrant noong Hunyo 15. Gayunman, sinabi niyang nitong Lunes lamang niya ito natanggap.
Nahaharap ang abogado sa dalawang bilang ng cyber libel na inihain ni Department of Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr.
Ayon kay Baligod, ipinadala umano ng kampo ni Laurel ang mga dokumento sa maling address kaya hindi niya natanggap ang subpoena at pagkakataong makapaghain ng counter-affidavit.
Wala pa namang pahayag si Baligod kung nakapaglagak na siya ng inirerekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P20,000 para sa naturang kaso.
Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ng abogado na umano’y nagdala ang 18 dating bodyguards ni Co ng maleta-maleta umanong pera sa mga tahanan ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang si Secretary Laurel. Itinanggi naman ng kalihim ang naturang paratang.














