Nagtipon sa Manila ang mga bar association mula sa Southeast Asia para sa kauna-unahang ASEAN Bar Leaders’ Summit na idinaos sa Pilipinas, na layong palakasin ang kooperasyon sa larangan ng batas sa rehiyon.
Dinaluhan ng mga delegado mula Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Vietnam, kasama ang kanilang mga katapat na Filipino sa pangunguna ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ang apat na araw na summit sa EDSA Shangri-La sa Mandaluyong City.
Ayon kay IBP National President Atty. Allan Panolong, layunin ng pagtitipon na palakasin ang ugnayan ng mga bar association sa ASEAN, lalo na sa harap ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at pagdami ng cross-border crimes na nangangailangan ng mas matibay na kooperasyon at palitan ng kaalaman.
Binigyang-diin ng IBP ang mga pangunahing layunin ng summit, kabilang ang pagpapalakas ng regional legal community, pagpapatatag ng institutional cooperation, at pagpapalitan ng best practices upang maging mas integrated ang legal systems sa rehiyon.
Sa kanyang keynote address, iginiit ni Chief Justice Alexander Gesmundo na ang mga hamon sa batas ngayon ay hindi na limitado sa loob ng mga bansa, kundi umaabot na sa usapin ng negosyo, teknolohiya, at karapatang pantao, kaya’t mahalaga ang mas malalim na ugnayan ng mga legal institutions sa ASEAN.
Isa rin sa tinalakay sa summit ang draft constitution para sa iminungkahing ASEAN Federation of Bar Associations, na kapag naitatag ay magiging kauna-unahang pormal na regional legal body sa Southeast Asia.
Ayon sa IBP, makatutulong ang naturang federation sa pag-facilitate ng legal assistance para sa mga Pilipino sa ibang bansa, lalo na sa mga kasong may cross-border concerns.
Tinalakay din sa summit ang papel ng artificial intelligence sa legal profession, kung saan binigyang-diin ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na dapat manatiling sentro ng judicial process ang human judgment, at ang AI ay magsilbi lamang bilang pantulong sa halip na kapalit ng tao.














