Nanawagan ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng agarang kapayapaan sa Gitnang Silangan kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng United States, Israel, Iran, at Hezbollah.
Sa isinagawang press conference matapos ang 48th ASEAN Summit, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahirap makahanap ng pangmatagalang solusyon hangga’t nagpapatuloy ang mga pambobomba at armadong labanan sa rehiyon.
Kasabay nito, nanawagan din ang mga foreign minister ng ASEAN sa lahat ng panig na itigil ang karahasan, sundin ang umiiral na ceasefire, at iwasan ang anumang hakbang na maaaring magpalala pa sa sitwasyon.
Binigyang-diin din ng ASEAN ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas at ligtas ng Strait of Hormuz, na isa sa mahahalagang dinadaanan ng mga barkong nagdadala ng langis at iba pang produkto sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa kanilang joint statement, nagpahayag ng matinding pag-aalala ang mga lider ng ASEAN dahil sa posibleng epekto ng sigalot sa pandaigdigang kapayapaan, kalakalan, at suplay ng enerhiya.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, maaaring magdulot ang nagpapatuloy na tensyon ng pagkaantala sa biyahe ng mga barko at eroplano, gayundin sa paghahatid ng mahahalagang produkto sa iba’t ibang bansa.














