Hinimok ni United States Defense Secretary Pete Hegseth ang mga bansang kaalyado ng Amerika sa Asya na dagdagan ang kanilang military spending upang mapigilan ang lumalawak na kapangyarihan ng China sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa Shangri-La Dialogue sa Singapore, sinabi ni Hegseth na may “rightful alarm” o makatuwirang pangamba sa mabilis na military buildup at pagpapalawak ng military activities ng China sa Indo-Pacific region.
Ayon sa opisyal, mahalagang mapanatili ang balanse ng kapangyarihan sa Pacific at hindi dapat manaig ang dominasyon ng anumang bansa kabilang ang China.
Iginiit din ni Hegseth na inaasahan ng Estados Unidos na maglalaan ang mga kaalyado nito sa Asya ng hanggang 3.5% ng kanilang gross domestic product o GDP para sa depensa.
Binigyang-diin pa niya na tapos na umano ang panahon kung saan sasagutin lamang ng Amerika ang malaking bahagi ng gastusin sa seguridad ng ibang bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Hegseth na nais ng Estados Unidos at mga kaalyado nito ang katatagan at hindi ang paglala ng tensyon sa rehiyon habang nananatiling bukas ang komunikasyon sa pagitan ng Amerika at China upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.














