Photo © web

Ipinahayag ng ICI-Technical Working Group for Asset Recovery na ipagpapatuloy nila ang pagbawi ng nakaw na pondo at ari-arian mula sa maanomaliyang flood control projects kahit magtatapos na ang operasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Marso 31, 2026.

Ayon kay ICI-Technical Working Group chairperson USec. Renato “Aboy” Paraiso, wala pa silang natatanggap na pormal na anunsiyo o direktiba mula sa ICI, partikular mula kay chairman retired Justice Andres Reyes Jr., ukol sa pagtatapos ng operasyon ng komisyon.

Gayunpaman, nagpahayag ng suporta ang Office of the Ombudsman at Office of the Solicitor General para sa pagpapatuloy ng technical working group sa pagbawi ng mga asset na nakuha sa anomalous projects.

Sinabi ni USec. Paraiso na mayroon na silang mekanismo upang masubaybayan at mabawi ang mga ari-arian at pondo na konektado sa nasabing proyekto. Bagamat nangangailangan pa ito ng masusing imbestigasyon at pagtunton kung saan nailipat ang mga asset, naniniwala ang grupo na may nagawang progreso sa kanilang operasyon.

Advertisement

Base sa pinakabagong datos, umabot na sa P4.8 billion ang halaga ng mga narekober at na-freeze na assets, na bahagi ng patuloy na kampanya laban sa katiwalian sa flood control projects.

Advertisement