NAGA CITY- Nakatutok ngayon ang atensyon ng mundo sa mga atleta na sasabak sa iba’t ibang laro sa nagpapatuloy na Paris Olympics 2024 sa mga susunod pang mga araw.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Jay Maderazo mula sa Paris, France, sinabi nito na patuloy ang pag-antabay ng maraming tao sa mga kaganapan sa Paris Olympics 2024 lalo’t puno ng excitement ang nasabing torneo.
Kaugnay nito, sa kabila ng pag-ulan hindi natinag ang mga atleta sa kanilang laban lalo sa mga nakapaglaro na matapos ang isinagawang opening ceremony.
Para naman sa mga atletang Pinoy, pinangunahan nina world champion Carlos Yulo ng gymnastics at Joanie Delgaco ng rowing ang kampanya ng Team Philippines sa 2024 Paris Olympics.
Nagpakita ng galing si Carlos Yulo sa kanyang dalawang pet events sa men’s gymnastics individual qualification na isinagawa sa Bercy Arena.
Habang si Pinay rower Joanie Delgaco ang nasa pang-apat na pwesto sa Heat 2 kahapon sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium pero sa pagsabak ni Delgaco sa repechage ngayong hapon, mayroon itong pagkakataon pa na makapasok sa quarterfinals.
Samantala, wala namang naitalang anuman na mga insidente at inaasahan na titila na ang nararanasang pag-ulan sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni Maderazo, patuloy naman ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Sa ngayon, sa darating umano na August 1, 2024, magkakaroon ng special na misa para sa mga atletang Pinoy.