Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nananatili sa Pilipinas ang negosyanteng si Atong Ang at halos maabutan na umano siya ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon nitong Huwebes.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may natanggap silang “eyeball sighting” kay Atong Ang, ngunit na-late umano ng isang araw ang isinagawang operasyon kaya hindi ito naabutan ng mga awtoridad. Tumanggi rin ang kalihim na ibunyag ang eksaktong lokasyon kung saan umano huling namataan ang negosyante.
Matatandaang iniugnay si Ang sa mga kasong kidnapping kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero noong 2021 hanggang 2022, ngunit mariin niya itong itinanggi.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na humingi na sila ng tulong sa Interpol para sa posibleng red notice laban sa kanya habang nagpapatuloy ang operasyon upang matukoy ang kanyang kinaroroonan.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Department of the Interior and Local Government Department of the Interior and Local Government at mga law enforcement unit sa paghahanap, habang nananatiling tikom ang ilang detalye kaugnay ng operasyon.














