Inilipat sa house arrest ang dating lider ng Myanmar na si Aung San Suu Kyi matapos ang mahigit limang taon ng pagkakakulong mula nang siya ay pabagsakin sa isang military coup noong 2021.
Ayon sa pahayag ng military leader na si Min Aung Hlaing, pinagaan ang natitirang sentensya ni Suu Kyi at inilipat ito sa “designated residence,” na epektibong katumbas ng house arrest.
Ipinakita rin umano ng state media ang larawan ng 80-anyos na si Suu Kyi na nakaupo kasama ang dalawang naka-unipormeng opisyal, bagama’t nananatiling limitado ang impormasyon tungkol sa kanyang aktwal na kalagayan.
Ngunit ayon sa kanyang anak na si Kim Aris, nagdududa siya sa ulat at sinabing wala pa ring konkretong patunay na buhay at ligtas ang kanyang ina, at idinagdag na ang lumabas na larawan ay kuha pa noong 2022.
Sinabi rin ng legal team ni Suu Kyi sa Reuters na wala silang natatanggap na opisyal na abiso tungkol sa kanyang paglipat sa house arrest.
Si Suu Kyi, ginawaran ng Nobel Peace Prize noong 1991, ay naging simbolo ng pro-democracy movement sa Myanmar at naluklok bilang lider noong 2015 matapos ang mga reporma sa bansa.
Mula nang kudeta noong 2021, naharap siya sa sunod-sunod na kaso na tinuturing ng kanyang mga tagasuporta na gawa-gawa lamang, at umabot sa 33 taon ang kanyang sentensya bago paulit-ulit na binawasan.
Ayon sa mga analyst, maaaring senyales ng posibleng pagbabago sa kanyang status ang biglaang anunsyo, habang sinusubukan ng military junta na bawasan ang international isolation ng Myanmar.














