NAGA CITY – Dead-on-the-spot ang isang babae matapos barilin sa Sitio Tibanglan, Brgy. Malabanban Norte, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Edelyn Tacod, 24-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakatayo ang biktima sa harap ng bahay ng isang Nylin Lorzano nang bigla na lamang dumating ang suspek na kinilalang si Eduardo Lorzano alyas Cocoy, residente ng naturang lugar na armado ng isang short firearm at binaril sa noo ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa tinamong tama ng bala ng baril ng biktima, naging dahilan ito para agad itong bawian ng buhay.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon matapos ang naturang krimen.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng suspek.