NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin ng sariling live-in partner sa Pili, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Catherine Campa, 27-anyos, residente ng Sitio Oyapos, Himaao sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Allan Belen, imbestigador ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na habang nakikipag-inuman ang biktima sa kaniyang mga katrabaho nang biglang dumating ang live-in partner ng biktima at suspek na si Daniel Ortega, 30-anyos at nais umano nitong kausapin si Campa para pag-usapan ang kanilang relasyon at hiramin ang kanilang anak.

Ngunit nang maabutan umano ni Ortega ang kaniyang live-in partner sa bahay ng kaibigan at nakita na nakikipag-inuman, dito na nagkaroon ng komprontahan ang dalawa na nauwi sa pananaksak ng suspek sa biktima sa harap ng kanilang mga kaibigan.

Dagdag pa ng opisyal, dumaan na ang suspek sa kanilang bahay para kumuha ng kutsilyo bago puntahan si Campa.

Ayon pa kay Belen, isang linggo bago mangyari ang krimen ay nagkaroon na ng away ang biktima at ang suspek na dahilan ng pansamantalang pag-distansiya ni Ortega sa kaniyang mag-ina.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek na agad namang sumuko matapos ang nasabing krimen.