Photo© web

Patay na nang matagpuan ang isang babae matapos malunod sa Brgy Pamilihan, Pitogo Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rose, 56-anyos at residente ng Brgy Pamilihan sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na isang mangingisda na kinilalang si Ric, residente ng Brgy. Manggahan ang nagreport sa naturang tanggapan hinggil sa isang babaeng bangkay ang natagpuan malapit sa docking port ng Brgy Pamilihan.

Agad naman itong nirespondehan ng Pitogo Municipal Police Station kasama ang MDRRMO sakay ng rescue boat at nakuha ang walang buhay na katawan ng biktima na walang mga sugat at walang nakitang senyales ng foul play.

Advertisement

Samantala, lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na huling nakitang buhay ang biktima nitong Hunyo 26 na umalis ng kanilang bahay at hindi na nakauwi pa.

Maliban pa dito, mayroon ring Alzheimer’s disease at dementia ang naturang biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Advertisement