NAGA CITY- Dead-on-the-spot ang isang babae matapos saksakin ng kalive-in partner sa Sitio Bahay, Brgy. Gubat, Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Francia Avila, 31-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na nagkaroon ng mainit na diskusyon ang biktima at ang kinakasama nitong si Marcel Blance, 37-anyos, na kalaunan ay nauwi sa pananaksak ni Blance kay Avila.

Dahil dito, nagtamo ng mga saksak sa katawan ang biktima na dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, matapos isagawa ng suspek ang krimen, sinubukan nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili ngunit agad naman itong naagapan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing selos an motibo ng suspek sa krimen.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposiyon.