NAGA CITY – Sugatan ang isang babae matapos pagsasaksakin sa Brgy. Dulong Bayan, Pitogo Quezon.

Kinilala ang biktima na si Margie De Vega, 42-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang bumibili umano ng shampoo ang biktima ng dumating ang suspek na si Arnel Factor, 46-anyos, residente rin ng nasabing lugar na armado ng kutsilyo at kinompronta ang biktima.

Ngunit matapos umano ang ilang minutong pag-uusap, bigla na lamang pinagsasaksak ng suspek si De Vega.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nagtamo ng tama ng saksak sa kaniyang hita ang biktima na agad namang dinala sa ospital.

Samantala, agad namang sinubukang tumakas ng suspek matapos ang insidente ngunit agad din itong naaresto.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si Factor para sa karampatang disposisyon.