NAGA CITY – Panawagan ngayon ng isang babae mula sa Barangay Triangulo, Naga City na nabangga umano ng jeep na makamit ang hustisya at kompensasyon na nararapat na matanggap nito mula sa driver at operator ng sasakyan.
Ayon kay Ma. Veronica Ragahal, ang complainant, na matapos ang aksidente noong Oktubre, 2023, ilang buwan itong hindi nakapagtrabaho dahil sa tinamo nitong injury dahil sa pangyayari.
Aniya, habang sakay ito sa kaniyang pedicab ng kainin ng jeep ang kaniyang linya dahilan upang mabangga siya nito, habang maswerte naman na nakatalon ang sakay nito at hindi nasugatan.
Batay naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na kasalanan ng driver ng jeep ang nangyari na agad rin naman nitong inamin na hindi siya tumingin sa kaliwang bahagi ng kalsada dahilan upang mabangga nito ang biktima.
Samantala, nakapagbigay naman na umano ng P3,000 ang driver at operator ng jeep bilang kompensasyon ngunit na umano ito nasundan pa.
Maliban pa dito, ayon naman umano sa driver ng jeep na hindi na nito obligasyon na hulogan ang Philhealth ni Ragahal na makakatulong naman sana upang mabawasan ang kaniyang gastusin, habang ang operator naman ay nangako na magbibigay ng tulong sa abot lamang ng kanilang makakaya at hindi rin nila obligasyon na magbigay pa ng pera.
Dahil dito, nagsampa ng kaso si Ragahal laban sa driver at operator ng jeep ngunit hanggang ngayon ay wala pa umanong petsa kung kailan isasagawa ang hearing para dito/
Naniniwala naman si Ragahal, na mayroong nangyaring anomalya dahil mayroon umanong kamag-anak na abogado ang operator kaya nagawan ito ng paraan.
Sa ngayon, hangad na lamang nito na makamit ang hustisya at tulonh para sa kaniyang mga tinamo dahil sa nasabing insidente.