NAGA CITY – Nakaligtas ang nasa 15 mga health workers matapos na lumubog ang sinasakyan na bangka ng mga ito sa karagatang sakop ng Brgy. Tinalmud, Pasacao, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Petty Officer 1 Efren Abanilla ng PCG-CamSur, sinabi nito na habang pauwi na ang nasabing mga health workers mula sa isinagawang barangay vaccination ng makatama sa matalim na bato ang sinasakyan nilang bangka dahilan upang mabutas ito.
Dahil sa nasabing insidente tuluyang nakapasok ang tubig sa bangka at naging dahilan upang lumubog ito.
Aniya, wala naman umanong naitalang nasugatan sa mga sakay nito dahil agad naman itong natulungan ng mga bangkero sa lugar.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Abanilla na bago pumalaot tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang makina ng kanilang mga bangka, at iwasan rin ang pag-ooverload upang maiwasan ang anuman na aksidente.
Dagdag pa nito na dapat rin na tiyakin na mayroong life vest ang kanilang mga bangka para sa kanilang kaligtasan.