NAGA CITY- Nailigtas ng mga otoridad ang apat na mangingisda matapos na tumaob ang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Brgy. Talisay, San Andres, Quezon.
Kinilala ang mga nasagip na mangingisda na sina Robert Lucero, 59- anyos, Lorenzo Garbo, 58 anyos, Romart Lucero, 18 anyos at ang isang 12 anyos na binatilyo, kapwa mga residente ng Brgy. Camflora, San Andres sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag alaman na sinalubong ng malalaking alon ang bangkang ginamit ng mga mangingisda dahil sa Bagyong Dante matapos pumalaot sa Sombrero Island.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na lumangoy na lamang ang apat na mangingisda ng lumubog ang sinasakyang bangka nito kung saan dito na dumating ang rescue teams ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protections, Philippine Army at PNP upang masagip ang buhay ng mga mangingisda.
Sa ngayon, nagpapagaling na ang mga mangingisda matapos na agad maidala sa ospital para sa asistensyang medical.