NAGA CITY – Sugatan ang isang barangay tanod matapos pagbabarilin sa Sitio Tondo, Brgy. Sta Catalina Norte, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Dioscoro Trigo Salas, 72-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang nakatayo ang biktima sa labas ng kanilang bahay nang bigla na lamang dumating ang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang tiyan at kaliwang bahagi ng kaniyang pelvis ang biktima.

Kaugnay nito, agad namang dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal habang agad namang tumakas ang suspek bitbit ang ginamit na baril.

Narekober naman sa lugar ang dalawang fired cartridges ng caliber 45 na baril at dalawang deformed slug.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente gayundin ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng nasbaing suspek.