Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang petisyon para makapagpiyansa nina Senador Rodante Marcoleta, dating Quezon City Representative Mike Defensor, at ng dalawang negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu kaugnay ng kinahaharap nilang P75-milyong kasong plunder.

Ayon sa anti-graft court, malakas ang ebidensya ng pagkakasala laban sa apat na akusado matapos matuklasang nakatanggap si Marcoleta ng kabuuang P75 milyon mula kina Defensor (P30 milyon), Espiritu (P25 milyon), at Viray (P20 milyon) noong Enero 2025, na hindi umano idineklara ng senador sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Pinuna rin ng korte ang magkasalungat na pagturing ni Marcoleta sa pondo bilang donasyon sa kampanya ngunit itinuring na personal na pera sa harap ng Commission on Elections (COMELEC), gayundin ang mga palatandaan ng sabwatan tulad ng magkakaparehong deeds of donation, sabay-sabay na pagpapanotaryo, at pagbabayad ng donor’s tax ng isang empleyado ng senador.

Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang mga naturang donasyon ay maituturing na regalong tinanggap dahil sa posisyon sa gobyerno at lumampas sa halagang itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o Plunder Law, na may parusang habambuhay na pagkakakulong.

Advertisement
Advertisement