Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsampa na sila ng kaso laban sa 16 na indibidwal na umano’y may pananagutan sa sunog na tumupok sa MV June Aster sa Coron, Palawan, na ikinasawi ng 77 katao.

Ayon kay BFP spokesperson Fire Senior Superintendent Anthony Arroyo, naghain ng reklamo ang kanilang Directorate for Investigation sa Manila City Prosecutor’s Office noong Nobyembre 11, 2026.

Kabilang sa mga isinampang kaso ang reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to property.

Sa 16 na respondent, anim ang mga tripulante ng MV June Aster, tatlo ang opisyal at empleyado ng Atienza Interisland Ferries Inc., tatlo naman ang mula sa Mega Lifters Cargo Handling Corp. at third-party contractor ng Philippine Ports Authority (PPA). Kasama rin sa mga kinasuhan ang apat na non-commissioned officers ng Philippine Coast Guard na nakatalaga sa Delpan-Baseco Substation.

Advertisement

Kabilang din sa mga respondent ang kapitan ng barko na unang tumakas matapos ang insidente ngunit kalaunan ay kusang sumuko makalipas ang ilang araw.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, nagsimula ang sunog sa likurang bahagi ng barko matapos umanong magkaroon ng chemical reaction sa mga kemikal na nakalagay dito.

Matatandaang bandang alas-7 ng gabi noong Setyembre 9, 2026, habang bumibiyahe patungong Coron, Palawan, bigla na lamang nagliyab at sumabog ang MV June Aster.

Umabot sa 77 katao ang nasawi sa trahedya, kung saan marami sa mga biktima ang nagtamo ng matinding pagkasunog sa kanilang katawan.

Advertisement