Patay ang anim na magkakamag-anak, kabilang ang dalawang 11-anyos na babae, matapos masunog ang dalawang bahay sa isang residential area sa Urdaneta City, Pangasinan noong madaling araw ng Abril 20.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog bandang alas-2 ng madaling araw sa Zone 2, Barangay Nancayasan. Mabilis umanong kumalat ang apoy at posibleng nagsimula sa kusina, dahilan upang ma-trap sa loob ng bahay ang mga biktima.
Sinabi ni Senior Fire Officer 3 Nathaniel Aquino, deputy marshal ng Urdaneta City Fire Station, na hindi agad nakalabas ang mga residente kaya’t naabutan sila ng apoy.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang menor de edad na edad 11, habang ang isa sa mga biktima ay hindi na makilala dahil sa tindi ng pinsala ng sunog.
Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian dahil sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog.













