Umabot na sa apat ang nasawi matapos ang pagbagsak ng isang gusaling itinatayo sa Angeles City, Pampanga, ayon sa Bureau of Fire Protection Central Luzon (BFP) ngayong Lunes ng umaga matapos makuha ang isa pang bangkay mula sa gumuhong istruktura.
Batay sa ulat ng BFP Central Luzon, alas-10:30 ng umaga nang ma-retrieve ang panibagong biktima mula sa gumuhong 9-palapag na gusali sa Barangay Balibago, dahilan upang umabot sa apat ang kabuuang bilang ng mga nasawi. Nauna rito, alas-7:20 ng umaga nang makuha ang ikatlong bangkay mula sa mga guho.
Aabot sa 17 katao pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon kay BFP Central Luzon spokesperson Fire Superintendent Maria Leah Saijili, nagpapatuloy ang manual clearing operations dahil delikado pa ang kondisyon ng mga guho. Hindi pa maaaring gamitin nang husto ang mabibigat na kagamitan dahil sa panganib na maaaring magdulot pa ng panibagong pagguho ang magkakabit na bakal sa istruktura.
Patuloy ding nagsasagawa ng thermal scanning at paggamit ng canine units ang mga responder upang matukoy kung may mga posibleng buhay pa sa ilalim ng mga debris.
Sinabi rin ng mga awtoridad na kung may matukoy pang senyales ng buhay ay ipagpapatuloy ang rescue operations, ngunit kung wala na ay lilipat na ito sa retrieval operations.
Inilikas na rin ang mga residente sa kalapit na lugar bilang pag-iingat laban sa posibleng karagdagang pagguho.
Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada ng Malaysia sa lokal na pamahalaan kaugnay ng isang foreign national na nasawi sa insidente.
Ayon sa ulat, ang may-ari ng gusali ay nakikipag-ugnayan na rin sa lokal na pamahalaan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak at kung may paglabag sa building regulations.
Ang 9-palapag na gusaling itinatayo sa Balibago ay gumuho bago magbukang-liwayway noong Linggo.














