Umabot na sa tatlong katao ang nasawi sa pagbagsak ng isang gusaling itinatayo sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 ngayong Lunes.

Ayon kay BFP Region 3 spokesperson Fire Superintendent Maria Leah Saijili, isa pang biktima ang narekober mula sa guho habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations.

Sinabi niya na ang huling nakuha ay isa sa dalawang indibidwal na tinangkang iligtas sa Sector 1 ngunit hindi agad na-rescue noong nakaraang gabi.

Ipinahayag din ni Saijili na ang biktima ay nakaranas ng initial cardiac arrest sa site, ngunit hindi pa agad maideklarang patay dahil hindi pa ito nasusuri ng mga doktor sa pinangyarihan ng insidente.

Advertisement

Pormal na nailabas ang biktima mula sa “hot zone” bandang 7:20 a.m. at agad na isinugod sa Rafael Lazatin Hospital.

Ayon sa mga awtoridad, nagpapatuloy pa rin ang operasyon upang hanapin ang nasa 18 katao na patuloy na pinaghahanap matapos ma-trap sa gumuhong nine-story building na kasalukuyang ginagawa.

Karamihan sa mga nawawala ay construction workers, habang isa ay isang vendor na naiulat ding hindi pa natatagpuan.

Dahil sa delikadong kondisyon ng mga gumuhong debris, patuloy ang manual clearing operations habang nakaantabay ang heavy equipment dahil sa panganib ng posibleng karagdagang pagguho.

Gumagamit din ang mga rescuers ng thermal scanning at canine units upang makadetect ng posibleng senyales ng buhay sa ilalim ng guho.

Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa lokal na pamahalaan, habang iniimbestigahan din ang insidente at ang posibleng mga paglabag sa safety standards ng konstruksiyon.

Advertisement