NAGA CITY- Patay ang isang binata matapos na pagtatagain ng sariling ama sa Goa, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Wilson Alemania Aboque, 28-anyos, residente ng Zone 3, Brgy. Lamon, sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Rodolfo Borromeo, hepe ng Goa Municipal Police Station, sinabi nito na nagkaroon umano ng pagtatalo ang suspek na si William Alemania Dasig, 55-anyos at ang anak nito na si Wilson.

Aniya, may hawak na itak ang biktima at nagbanta pa na papatayin ang mga magulang nito.

Dagdag pa ni Borromeo, hindi na umano nakapagtimpi ang ama nito kung kaya pinagtataga nito sa dibdib ang anak dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Nabatid pa na sa tuwing pinagsasabihan ang biktima, nagagalit ito at pinagmumura ang mga magulang at kapatid nito.

Sa ngayon, labis naman umano ang pagtangis ng ama ng binata na boluntaryo namang sumuko sa mga awtoridad matapos ang insidente.