NAGA CITY – Nahaharap ngayon sa kasong murder ang tatlong sundalo na bumaril-patay sa isang binata sa Mauban, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Jay-Ar Lasquites, 22-anyos, residente ng Brgy. Polo sa naturang bayan.
Ayon kay PCpl Wayner Dawaten, imbestigador ng nasabing insidente, sinabi nito na nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek na kinilalang si Private First Class Melvin De Leon Añonuevo kasama sina Private First Class Rolito Morales Cornel Jr., at Cpl. John Denver Allao, kapwa mga miyembro ng 59th Infantry Battalion, Philippine Army.
Sinabi pa ng imbestigador, habang nag-iinuman umano sa loob ng bar na pag-aari ng mga magulang ng biktima ang mga suspek nang pumasok dito si Lasquites kasama ang kaniyang kaibigan at binati ang mga suspek na tila ikinapikon naman ni Añonuevo.
Kaugnay nito, nagkaroon ng argumento ang biktima at ang suspek na naging dahilan naman para barilin ito ni Añonuevo habang tinutukan din nito ng baril ang kaibigan ng biktima.
Sinabi pa ni Dawaten na agad namang tumakas si Añonuevo matapos ang krimen habang ang dalawa pa nitong kabaro ay tumakas lamang nang dumating na ang mga rumespondeng pulis.
Aniya, sinubukan pa sanang isugod sa ospital ang biktima ngunit idinelara na itong dead on arrival ng mga doktor. Sa kabila nito, nabatid na maliban sa mga suspek ay nasa ilalim din ng impluwensiya ng alak si Lasquites ng mangyari ang insidente.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek matapos sumuko sa kanilang chief commander.
Sa ngayon, maliban sa kasong murder, nahaharap din sa kasong Frustrated Murder at paglabag sa Comelec gun ban si Añonuevo.