NAGA CITY- Pasok sa Pandaigdigang pagsasanay na isinasagawa sa Maldives ang isang binatilyong surfer mula sa Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jeff Gatong Ablaneda, Surfer mula Daet, Camarines Norte, sinabi nito na labis ang kanyang kasiyahan ng mapasali ito sa listahan para sa nasabing pagsasanay isa umano itong pagkakataon, upang mas lalong maunawaan ang mundo ng surfing, magkakaroon ng pagkakataon na pagbutihin ang kanyang mga kasanayan, matuto mula sa mga world-class na coach, at makipag-ugnayan sa mga kapwa surfer mula sa buong mundo.
Maliban pa dito, ay malaking oportunidad rin umani ito para sa kanya dahil tanging siya lamang ang nakapasok dito upang i-presenta ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagsali sa International Surfing Association (ISA) Solidarity Youth Camp sa Thulusdhoo, Maldives na gaganapin sa Agosto 25 hasta 29, 2024.
Samantala, bago pa man ito ay sumasali na rin sa National Surfing competitions si Ablaneda. Nagsimula rin itong mahilig sa nasabing isport noong ito ay 7 taong gulang pa lamang dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang kaibigan na siyang tumayo rin bilang unang coach nito.
Aniya, hindi rin nawawala ang suporta para sa kanya lalong lalo na ang kanyang grupo na Bagasbas Surfing Club Inc., kasama na ang Philippine Surfing Federation.
Ang pagsabay sa alon na ito ni Ablaneda patungo sa Maldives ay isang patunay sa dedikasyon at pagmamahal ng komunidad sa mga Pilipinong surfing.