Itinala ng P-pop girl group na BINI ang kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino act at P-pop girl group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa California.

Naganap ang makasaysayang performance ng BINI ngayong araw ng Sabado ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Mojave Stage ng Coachella, kung saan ipinakita nila ang husay ng talento ng Pilipino sa isa sa pinakamalalaking music festival sa mundo.

Suot ang kapansin-pansing gintong outfit na may modernong disenyo ng salakot, binuksan ng grupo ang kanilang set na puno ng enerhiya. Sumunod ang pagbabago sa asul na ocean-inspired outfits na sumabay sa mas matinding choreography at live vocals.

Kinanta ng BINI ang ilan sa kanilang mga sikat na awitin kabilang ang “Shagidi,” “Zero Pressure,” “Out of My Head,” “Karera,” “Salamin, Salamin,” “Blink Twice,” “Cherry on Top,” “Blush,” “Bikini,” at ang kanilang global hit na “Pantropiko.”

Advertisement

Ayon sa mga ulat, magbabalik ang grupo para sa second weekend ng Coachella sa Abril 17 (Abril 18 sa Pilipinas). Matapos nito, nakatakda rin silang magtanghal sa Grammy Museum para sa “Global Spin Live!” series sa Abril 21 (Abril 22 sa Pilipinas).

Patuloy na kinikilala ang BINI bilang isa sa mga bagong mukha ng P-pop sa pandaigdigang entablado matapos ang kanilang makasaysayang paglahok sa Coachella.

Advertisement