Photo © web

Isinapubliko ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 47-2026 nitong Mayo 19, 2026 na nagtatakda ng mas pinasimple na proseso para sa pagsasara ng negosyo at pagkansela ng tax registration, alinsunod sa Republic Act No. 11976 o Ease of Paying Taxes Act.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, ang reporma ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas mabilis at episyente ang serbisyo ng pamahalaan, gayundin sa panawagan ni Finance Secretary Frederick D. Go na gawing mas investor-friendly at business-friendly ang tax administration.

Sa ilalim ng bagong guidelines, maaaring magsumite ng aplikasyon para sa closure o cancellation ng registration ang mga negosyong tumigil na sa operasyon sa pamamagitan ng manual o electronic filing sa Revenue District Office kung saan sila nakarehistro.

Pinadali rin ang documentary requirements kung saan kailangan na lamang isumite ang application form, pagsuko ng orihinal na BIR registration documents, at dalawang set ng dokumento: listahan ng ending inventory ng goods at supplies kabilang ang capital goods para sa VAT-registered taxpayers, at inventory ng mga hindi nagamit na invoices, supplementary documents, at accounting forms.

Advertisement

Kapag kumpleto na ang requirements, hindi na madaragdagan ang penalties para sa non-filing ng tax returns at ilalagay sa “deregistered” status ang tax forms upang maiwasan ang pagdami ng open cases, bagama’t maaari pa ring magsagawa ng audit ang BIR kung kinakailangan.

Para naman sa micro taxpayers, hindi na sila sasailalim sa mandatory audit para sa closure o cancellation, at maaaring makakuha ng tax clearance sa loob ng tatlong araw kung walang outstanding liabilities.

Hinimok ni Commissioner Mendoza ang mga negosyong tumigil na sa operasyon na samantalahin ang bagong proseso upang maiwasan ang karagdagang penalties at maayos na ma-update ang kanilang tax records.

Advertisement