Nagsampa ng criminal complaint ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa Lobelle Commodities Corporation at mga opisyal nito dahil sa umano’y maling paggamit ng VAT exemption sa importasyon ng palm olein oil na umabot sa higit P262 milyon na tax liability.
Ayon sa BIR, sakop ng reklamo ang importasyon ng kumpanya noong ikatlo at ikaapat na quarter ng 2020, kung saan nabigo umano itong magbayad ng value-added tax (VAT) sa kabila ng hindi pagtugon sa mga kondisyon para sa exemption.
Sa ilalim ng National Internal Revenue Code, exempted lamang ang palm olein oil kung gagamitin ito sa paggawa ng animal feeds at may kaukulang sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA) na hindi ito angkop para sa consumption ng tao.
Batay sa imbestigasyon, natuklasang hindi sangkot ang Lobelle Commodities sa manufacturing ng animal feeds at naibenta pa umano ang mga imported na produkto sa mga entity na hindi rin gumagawa ng naturang produkto. Dagdag pa ng FDA, wala silang natanggap na kahilingan mula sa kumpanya para sa certification noong 2020.
Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na ang tax exemption ay isang espesyal na pribilehiyo na dapat lamang gamitin sa ilalim ng malinaw na kondisyon ng batas.
Aniya, hindi maaaring gamitin nang maluwag ang exemption kung hindi natutugunan ang mga kinakailangan ng batas.
Bukod sa Lobelle Commodities, nagsampa rin ang BIR ng hiwalay na kaso laban kina Junn Ryan Tolentino Pucan ng JRT Pucan Meat Stall at Romy Cruzada Claveria ng Yarikata Construction dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng higit P8 milyon na buwis para sa taxable year 2019, sa kabila ng mga final notice mula sa ahensya.














