Ipinahayag ni House Committee on Justice chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na nakakalap na ang komite ng isang “body of evidence” laban kay Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment proceedings, ayon sa pagdinig ngayong Miyerkules, Abril 22.

Ayon kay Luistro, hindi lamang paisa-isang ebidensya kundi magkakaugnay na mga dokumento at testimonya ang lumutang sa imbestigasyon, na umano’y nagpapakita ng pattern kaugnay sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Kabilang sa tinukoy na ebidensya ang testimonya ni Ramil Madriaga hinggil sa umano’y pamamahagi ng P125 milyong confidential funds sa loob ng 24 oras, pati ang kanyang paglagda sa bank waiver. Inilahad din ang ulat ng Commission on Audit (COA) na nagpapatibay sa notice of disallowance sa P73 milyong pondo noong 2022, gayundin ang karagdagang P375 milyong disallowance noong 2023.

Dagdag pa rito, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa umano ang pirma sa mga acknowledgment receipts ng mga tumanggap ng pondo, habang kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang rekord sa civil registry ang ilang pangalan ng umano’y benepisyaryo.

Advertisement

Binigyang-diin ni Luistro na ang mga ebidensyang ito ay nagpapataas ng tanong kung sino ang tunay na nasa likod ng mga dokumento. “Magkakaiba ang mga pangalan, ngunit iisa ang pirma,” aniya.

Muling hindi dumalo si Duterte sa naturang pagdinig. Pinuna naman ni Luistro ang Bise Presidente sa hindi umano pagharap sa mga alegasyon at sa pagtuon sa mga isyung hindi direktang sumasagot sa mga paratang.

Iginiit ng kongresista na ang pagdinig sa Kamara ang tamang lugar upang sagutin ang mga akusasyon sa ilalim ng panunumpa, at hindi sa pamamagitan lamang ng mga pahayag sa labas.

Samantala, nauna nang kinuwestiyon ni Duterte ang impeachment proceedings, na tinawag niyang halimbawa ng “abuse and corruption” at bahagi umano ng pamumulitika.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig, inaasahang tatalakayin ang statement of assets, liabilities, and net worth (SALN), tax returns, bank transactions, at mga negosyo na inuugnay sa Bise Presidente at kanyang pamilya, kaugnay ng mga alegasyon ng unexplained wealth.

Advertisement