Nagbuga ng humigit-kumulang 1,200-meter mataas na abo ang Kanlaon Volcano sa Negros Island nitong Huwebes umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na nagpapanatili pa rin ng Alert Level 2 sa bulkan dahil sa patuloy na unrest.
Ayon kay PHIVOLCS chief Teresito Bacolcol, bahagi ito ng Alert Level 2 status ng bulkan, kaya inaasahan ang paminsang pagbubuga ng abo. “For the month of March, we had 24 ash emission events,” aniya.
Ang aktibidad ay posibleng dulot ng pressure buildup sa ilalim ng bulkan mula sa steam-driven o hydrothermal processes. Sa nakaraang 24 oras, naitala ang 12 volcanic earthquakes sa paligid ng Kanlaon.
Sinukat ang sulfur dioxide emissions sa 1,524 tonnes kada araw, mas mababa kaysa sa pinakamataas na naitala nitong Enero 9 na 4,126 tonnes kada araw.
Nanatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano, na nangangahulugang may increased unrest at posibleng mangyari ang biglaang steam-driven o phreatic eruptions. Ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometro radius ng Permanent Danger Zone (PDZ) at paglipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan.














