NAGA CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagbagsak ng isang ambulance helicopter sa bahagi ng southwestern ng Japan.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran mula sa Japan, sinabi nito na anim na tao ang sakay ng helicopter at tatlo ang kumpirmadong namatay, kabilang ang 86-anyos na pasyenteng si Mitsuki Motoishi, ang kanyang caretaker na si Kazuyoshi Motoishi at ang medical doctor na si Kei Arakawa.
Ayon kay Beltran, nangyari ang pag-crash habang papunta ang helicopter sa isang ospital sa Fukuoka para ihatid ang pasyente mula sa airport sa Nagasaki prefecture.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam pa ang sanhi ng pagbagsak.
Wala naman aniyang Pinoy na nadamay sa insidente at pawang mga Hapones ang mga pasahero.
Nilinaw din ni Beltran na sakaling manggaling sa isla ang pasyente at kailangang dalhin sa lungsod, ambulance helicopter ang ginagamit.
Samantala, hindi pangkaraniwang nangyayari sa bansa ang ganitong insidente kaya nagsasagawa na ng hakbang ang gobyerno ng Japan para maiwasang maulit ang naturang insidente.