NAGA CITY- Natupok ng apoy ang isang bus sa kahabaan ng Diversion Road, sa tapat ng isang mall sa lungsod ng Naga basado alas tres ng hapon, kahapon, Hunyo 20, 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Roderick Labodit ang driver ng nasabing bus, sinabi nito na patungo sana sa bayan ng San Fernado ang minamaneho nitong bus upang ipaayos ngunit nasa kalsada pa lamang ito nang makarinig ng pagsabog at kalaunan ay lumiyab na ang back seat ng sasakyan.
Maliban sa driver, mapalad at walang pasahero ang sasakyan ngunit isang tindahan naman ang nadamay sa nasabing insidente.
Ayon sa may-ari ng nasabing tindahan na sina Mila at Nicole Mañago, nakita na lamang nila ang nasabing bus na nasusunog habang patuloy na umaandar.
Samantala, nang hindi na umano kinaya ng driver ng bus na apulahin ang apoy ay dito na ito bumaba at humingi ng tulong sa mga tao sa lugar.
Dagdag pa ng mga ito, narinig rin nila ang pagsabog mula naman sa likurang bahagi ng nasabing bus.
Nadamay na lamang umano ang kanilang tindahan ng may mga mahulog na mga dahon na nakapitan na rin ng apoy na napunta sa kanilang tindahan.
Samantala, agad naman na rumisponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection Naga maging ang mga kapulisan upang apulahin ang nasabing sunog.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP hinggil sa nasabing insidente.