NAGA CITY- Nagpalabas na ng kautusan si Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte na ikansela na ang lahat ng byahe papunta at palabas ng Camarines Sur.

Sa travel advisory na ipinalabas ni Villafuerte, inutusan nito ang lahat ng mga bus companies at mga operators na ikansela ang lahat ng byahe sa lalawigan para maiwasan ang anumang aksidente lalo na sa gitna ng sama ng panahon.

Maliban dito, maiiwasan din aniya na magkaroon ng mga stranded passengers lalo na sa mga hazard-prone areas.

Kung maaalala, una nang nagpalabas ng abiso ang Land Transportation Office (LTO)-Bicol ng pagkansela ng byahe ng mga bus mula sa Metro Manila na papasok sa Bicol Region lalo na sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Tisoy para hindi na makadagdag pa sa kilo-kilometrong sasakyan na nastranded sa Matnog Port.