Kinumpirma na ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointments ng limang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at 85 foreign service officials ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Dumalo ang mga AFP generals at DFA officials sa special session ng CA nitong Miyerkules, Hunyo 17, kung saan hinarap nila ang mga miyembro ng komisyon bago tuluyang maaprubahan ang kanilang mga appointment.
Ilang linggo ring naantala ang kanilang kumpirmasyon dahil sa mga naging sigalot at pagbabago sa Senado na nakaapekto sa mga nakatakdang pagdinig ng CA.
Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Senador Rodante Marcoleta kung balido pa ang promosyon ng limang AFP generals, dahil halos isang taon na lamang umano ang natitira sa kanilang aktibong serbisyo. Ang mga opisyal ay kabilang sa mga naunang na-bypass ang appointment sa regular na sesyon ng Kongreso.
Na-bypass ang kanilang promosyon matapos ang sine die adjournment ng Kongreso noong Hunyo 3, 2026.
Gayunman, ipinaliwanag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na ang mga appointment na kinumpirma ng CA ay muling pagsusumite ng kanilang mga ad interim appointments na unang ipinadala noong Mayo 25, 2026 nang muling magbukas ang regular na sesyon ng Kongreso.
Matapos ang deliberasyon, inaprubahan ng Commission on Appointments ang mga nominasyon at tuluyang kinumpirma ang mga appointment ng limang AFP generals at 85 opisyal ng DFA.














