Nanawagan si Canadian Prime Minister Mark Carney sa Israel na magsagawa ng independent investigation kaugnay ng umano’y “appalling” na pagtrato sa mga activist na dinakip matapos subukang maghatid ng ayuda sa Gaza.

Sa isang pahayag mula sa tanggapan ni Carney, sinabi nitong hindi katanggap-tanggap ang umano’y pagtrato ng Israel sa mga sibilyan, kabilang ang mga Canadian citizen, na sakay ng Gaza-bound flotilla.

Inilarawan din ni Carney bilang “catastrophic” ang kasalukuyang sitwasyon sa Gaza habang muling iginiit ng Canada ang pagtutol nito sa illegal Israeli settlement expansion, settler violence sa West Bank, at pananakit sa mga Palestinian civilians.

Lumalabas na lalo pang lumalala ang tensyon sa pagitan ng Canada at Israel matapos ding kondenahin ni Carney noong nakaraang linggo ang paghawak ng Israel sa mga miyembro ng flotilla.

Advertisement

Ayon sa mga organizer ng aid mission, nakaranas umano ng pang-aabuso ang mga activist matapos silang maaresto. Ilan sa kanila ang naospital dahil sa mga pinsala habang hindi bababa sa 15 katao ang napaulat na nakaranas umano ng sexual assault, kabilang ang rape.

Mariin namang itinanggi ng Israel Prison Service ang naturang mga alegasyon.

Samantala, sinabi ni Canadian Foreign Minister Anita Anand na nakausap niya ang Israeli counterpart na si Gideon Saar at ipinaabot dito na magbibigay ang Canada ng ebidensya kaugnay sa umano’y pagmamaltrato sa mga Canadian citizen na sakay ng flotilla.

Binigyang-diin din ni Anand na paglabag sa Vienna Convention ang umano’y hindi pagbibigay ng access sa consular services sa mga Canadian habang sila ay nakakulong.

Sa panig naman ni Saar, sinabi nitong ang mga activist ay umano’y naimpluwensiyahan ng Hamas.

Inihayag din niya ang pagkabahala sa umano’y pagtaas ng antisemitic incidents sa Canada at nanawagan sa gobyerno ng Canada na gumawa ng hakbang laban sa antisemitic incitement at attacks.

Advertisement