Magbibigay ng tulong-pinansyal ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda ngayong Abril upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.
Inanunsyo ng DA na makatatanggap ng P5,000 ang mga magsasakang gumagamit ng traktora, habang P3,000 naman ang ibibigay sa mga mangingisdang may motorized banca.
Ayon kay Director Lorna Belinda Calda, may nakalaan na P100 milyon para sa programa na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 14,400 magsasaka at 15,669 mangingisda.
Bukod dito, ilalabas din ngayong Abril ang P10 bilyong pondo sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk na target ang 4.217 milyong benepisyaryo.
Samantala, makatatanggap din ng tig-P3,200 ang mga magsasaka mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA).
Kaugnay nito, nangako ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tutugon sa mga maaapektuhang minimum wage earners at middle class kung magpapatuloy ang krisis hanggang Hunyo at Hulyo, bagamat wala pa silang tiyak na plano kung aling sektor ang susunod na makikinabang.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) na may sapat na pondo ang pamahalaan upang tugunan ang epekto ng krisis sa Middle East at mga posibleng kalamidad, lalo na sa pagsisimula ng tag-ulan sa Hunyo.














