Nakapagtala ng panibagong tagumpay ang College of Development Education (CDE) ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) matapos makapagprodyus ng mga topnotcher sa katatapos na Licensure Examination for Teachers (LET) 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Dr. Myra Luz M. Homillano | Dean, College of Development Education, CBSUA-Pili, ipinahayag nito ang malaking kasiyahan at pagmamalaki sa naging resulta ng pagsusulit, lalo’t matagal na umano nilang inaasam na magkaroon ng mga topnotcher mula sa kanilang kolehiyo.

Ayon kay Humiliano, isa sa mga pangunahing hakbang na nakatulong sa kanilang tagumpay ang pagpapalakas ng paghahanda sa mga estudyante habang nasa huling semestre pa lamang ng kanilang degree program.

Ipinaliwanag nito na isinama na sa kanilang curriculum ang enrichment program para sa mga graduating education students. Isinasagawa ang mga karagdagang review session matapos ang kanilang practice teaching upang higit na mapagtibay ang kanilang kaalaman bago sumabak sa licensure examination.

Advertisement

Isa rin sa mga nakikitang salik sa magandang resulta ng kolehiyo ang pagsunod ng unibersidad sa mga pamantayan ng quality assurance at accreditation.

Bagama’t nananatiling hamon para sa isang state university ang limitasyon sa badyet at pagkakaroon ng mga makabagong pasilidad, patuloy ang pagsisikap ng administrasyon na mapahusay ang kalidad ng edukasyong ipinagkakaloob sa mga mag-aaral.

Samantala, sinabi rin ni Humiliano na pinag-aaralan ng kolehiyo ang posibilidad ng pakikipagtulungan sa mga review center upang higit pang mapalakas ang paghahanda ng mga susunod na LET examinees.

Hinikayat din nito ang mga graduating education students na pag-ibayuhin ang kanilang pag-aaral at paghahanda para sa licensure examination, kasabay ng pagtitiyak na mananatili ang suporta ng mga guro at ng administrasyon ng unibersidad.

Advertisement