Ipinagpaliban ng CHED ang nakaplanong pagbabawas ng General Education (GE) units sa kolehiyo at itinakda na lamang ito sa taong 2028, kasunod ng malawakang pagtutol mula sa iba’t ibang sektor ng akademya, estudyante, at mga stakeholder.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, napagkasunduan ang desisyon matapos ang inter-agency meeting kasama ang Department of Education, Teacher Education Council, at EDCOM II kung saan tinalakay ang mga saloobin ng iba’t ibang sektor hinggil sa panukalang reporma sa GE curriculum.

Sinabi ni Agrupis na wala munang ipatutupad na pagbabago sa GE subjects sa anumang programa sa kasalukuyang school year, upang bigyang-daan ang mas malalim na pag-aaral at pagsusuri sa mga puna at rekomendasyon ng stakeholders.

Una nang umani ng batikos ang panukalang pagbabawas ng GE units mula 36 tungo sa 18, dahil sa pangambang mabawasan ang kalidad ng edukasyong tersiyaryo at matanggal o pagsamahin ang ilang asignatura tulad ng Filipino at Panitikan.

Advertisement

Kabilang din sa naging isyu ang mungkahing pagsasanib ng “Readings in Philippine History” at “The Life, Works and Writings of Jose Rizal,” na posibleng sumalungat sa Republic Act 1425 o Rizal Law na nag-uutos ng pagtuturo ng buhay at akda ng pambansang bayani.

Nauna ring iminungkahi na gawing integrated ang ilang GE subjects tulad ng Ethics sa iba’t ibang kurso sa halip na hiwalay na asignatura.

Nilinaw ng CHED na hindi pa pinal ang panukala at patuloy pa rin ang konsultasyon sa mga unibersidad, guro, estudyante, at mga propesyonal na organisasyon.

Dagdag pa ng ahensya, hindi rin magkakaroon ng pilot testing ng binagong curriculum sa ngayon, at ang target na implementasyon ay sa 2028 pa lamang.

Advertisement