Inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na hindi muna papayagan ang pagtaas ng matrikula sa mga higher education institution (HEIs) sa bansa sa gitna ng patuloy na kinakaharap na krisis pang-ekonomiya.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Shirley Agrupis na bagamat maraming HEIs ang naghain ng kahilingan na magtaas ng tuition dahil sa tumataas na gastos sa operasyon, hiniling ng CHED na ipagpaliban muna ang mga ito.

Ayon kay Agrupis, hindi aniya ito ang angkop na panahon para magpatupad ng dagdag-singil sa matrikula lalo na’t maraming estudyante at kanilang pamilya ang apektado ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.

Ipinabatid din ng CHED na naiparating na nila ang kanilang panawagan sa mga paaralan at nauunawaan naman umano ito ng karamihan sa mga institusyon.

Advertisement

Tiniyak pa ng ahensya na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga HEIs upang matugunan ang mga isyu kaugnay ng matrikula, habang pinapanatili ang balanse sa pagitan ng pangangailangan ng mga paaralan at kapakanan ng mga estudyante.

Advertisement