Photo © web

Posibleng sinasamantala ng China ang atensyon ng mundo sa sigalot sa Middle East upang paigtingin ang aktibidad nito sa West Philippine Sea, kabilang ang umano’y pag-target sa mga barko ng hukbong-dagat ng Pilipinas.

Kabilang sa mga pinakahuling insidente ang mapanganib na pagmamaniobra ng isang Chinese warship at umano’y paggamit ng fire-control radar laban sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng lehitimong patrol.

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, “These are intentional, these are illegal, these are unprofessional. We will not be provoked into reacting in the same manner. All our actions will remain professional and within the bounds of international law.”

Bagama’t itinuturing na mapanulsol ang mga hakbang na ito, iginiit ng AFP na hindi magpapasimula ng anumang komprontasyon ang Pilipinas at mananatiling nakatuon sa pagpapababa ng tensyon. “Sa ganitong laro, ‘yong AFP ang matanda, ‘yong kabilang side ang bata. Ang matanda hindi pumapatol sa bata,” dagdag ni Trinidad.

Advertisement

Iniulat din ng AFP ang pagdami ng presensya ng mga barkong Tsino sa karagatang sakop ng Pilipinas noong Marso 2026. Umabot sa 90 sasakyang-dagat ang naitala sa iba’t ibang lugar, kabilang ang 49 sa Bajo de Masinloc, 15 sa Pag-asa, 14 sa Ayungin Shoal, at 12 sa Escoda Shoal.

“They will take advantage of every opportunity to legitimize their illegal presence and to normalize the situation,” ani Trinidad.

Paulit-ulit nang kinukondena ng pamahalaan ng Pilipinas ang umano’y paglabag at mapanganib na galaw ng China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa, sa kabila ng 2016 arbitral ruling na nagbasura sa malawak nitong pag-aangkin sa nasabing karagatan.

Advertisement