Nagsampa na ng reklamong obstruction of justice ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Senador Robin Padilla at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y pagtulong sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon na naisumite sa Department of Justice (DOJ) ang reklamo bago mag-alas-singko ng hapon nitong Huwebes.

Nauna nang inanunsyo ng CIDG ang plano nitong pagsasampa ng kaso laban kay Padilla at iba pang personalidad dahil sa umano’y pagtulong kay Dela Rosa upang makaiwas sa mga awtoridad.

Mariin namang itinanggi ni Padilla ang alegasyon at iginiit na hindi niya tinulungan ang senador na tumakas kundi pinasakay lamang niya ito sa kanyang sasakyan palabas ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14 matapos umano itong makisabay.

Advertisement

Samantala, sinabi ng CIDG na may kaugnayan umano ang nangyaring pamamaril sa Senado at ang pag-alis ni Dela Rosa mula sa gusali.

Ayon kay CIDG chief PMaj. Gen. Robert Morico II, magkaugnay ang dalawang insidente bagamat patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Si Dela Rosa ay nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inilagay sa protective custody ng Senado si Dela Rosa matapos tangkaing isilbi ng mga awtoridad ang warrant laban sa kanya noong Mayo 11 bago umano ito nakalabas ng Senado noong Mayo 14.

Una na ring inatasan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang mga law enforcement agency na tugisin at arestuhin si Dela Rosa, na tinawag nitong isang “fugitive from justice.”

Advertisement