Naglabas ang Commission on Audit (COA) ng panibagong notice of disallowance (ND) na umaabot sa P300 milyon kaugnay sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), ayon kay House Committee on Public Accounts Chairperson Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, hiwalay ang bagong ND sa naunang desisyon ng COA na kumumpirma sa disallowance ng P73 milyon na ginamit umano ng OVP mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang naunang P73 milyon ay may final ruling na at maaari pang iakyat sa Korte Suprema, habang ang bagong P300 milyon ay nasa ilalim pa ng audit review at hindi pa pinal.
Dagdag pa ni Ridon, ipinapakita ng bagong ND ang posibleng mas malawak pang isyu sa paggamit ng confidential funds ng OVP na patuloy umanong sinusuri ng mga awtoridad.
Samantala, nagpapatuloy ang pagdinig ng House justice panel kaugnay sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte. Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagbabanta sa Pangulo at pamilya nito, at hindi maipaliwanag na yaman.
Matatandaang hindi dumalo si Duterte sa mga pagdinig noong Marso 25 at Abril 14, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI), na nagsabing may mga natukoy umanong iregularidad sa ilang pirma sa mga dokumentong may kaugnayan sa confidential funds.














