Ipinahayag ng mga nagsampa ng ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang kanilang kasiyahan sa naging testimonya at supplemental affidavit ni Ramil Madriaga, na umaming nagsilbing tagahawak umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon sa abogado ng mga complainant na si Atty. Amando Ligutan, malinaw umano sa mga pahayag ni Madriaga na bumagsak ang depensa ng kampo ng bise presidente, partikular ang pahayag na wala itong personal na relasyon sa kanya.

Sinabi ni Ligutan na sa isinagawang pagdinig, lumitaw ang salaysay ni Madriaga na personal umano niyang “dinispose” ang ₱125 milyong confidential funds ng OVP sa loob lamang ng humigit-kumulang 18 oras, bagay na ikinagulat ng publiko.

Giit ng abogado, malinaw na may nagsisinungaling sa pagitan nina Vice President Duterte at Madriaga, ngunit naniniwala siyang hindi si Madriaga ang hindi nagsasabi ng totoo.

Advertisement

Pinuna rin niya ang naging pahayag ng kampo ng bise presidente na si Madriaga ang “weakest link” sa kaso, at sinabing sa halip ay lalo pa nitong pinalakas ang mga alegasyon laban kay Duterte.

Samantala, iginiit din ni Ligutan na walang personalan sa pagitan ng mga abogado sa magkabilang panig, matapos niyang makitang kausap ang counsel ng VP na si Atty. Michael Poa sa pagdinig.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na muli silang dadalo sa susunod na pagdinig ng House panel sa Abril 22 upang talakayin ang umano’y banta ng bise presidente laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya.

Ayon sa NBI, inaasahan nilang maglalabas ng subpoena ang komite kaugnay ng naturang isyu.

Advertisement