NAGA CITY- Pinasinungalingan ng mismong kagawad ng Brgy. Sabang, sa bayan ng San Jose, Camarines Sur ang umano’y pag-isolate sa isang COVID-19 patient sa isang motor banca sa naturang lugar.
Una na itong kinilala na si Bicol#620, isang Locally Stranded Individual (LSI).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kgwd. Wilson Agravante ng naturang barangay, sinabi nito na nakipag-ugnayan sana sila sa pamilya ng pasyente para isailalim ito sa home quarantine para matiyak na ligtas ang pasyente.
Ngunit bago pa dumating ang pasyente, nag-panic na aniya ang pamilya kung saan nagresulta ito ng takot sa karamihan kung saan nagdulot din ng diskriminasyon sa pasyente.
Nabatid din kasi inuwi ang naturang pasyente na hindi isinailalim sa Swab testing.
Ayon pa dito, mismong ang pamilya ng pasyente ang nakiusap na doon na lamang sa bangka ito i-isolate.
Ngunit ang problema aniya dito dahil hindi man lamang nakipag-ugnayan ang pamilya nito sa (Local Government Unit (LGU) na ganito ang gagawin.
Sa ngayon, nananatili na ito sa kanilang bahay para magpasailalim sa home quarantine.
Samantala, apela naman ni Agravante na maging maayos ang sistema pagdating sa mga protocols ng pamahalaan.