Photo© web

Nanatiling kontrolado o “manageable” ang antas ng krimen sa Barangay Poblacion, Libmanan, ayon sa pahayag ng isang opisyal ng barangay na patuloy na minomonitor ang sitwasyon ng seguridad sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kagawad Violeta Maravilla, miyembro ng Committee on Peace and Order ng Barangay Poblacion, Libmanan, sinabi niyang bagama’t may mga naitalang insidente ng krimen, hindi naman umano ito umaabot sa antas na kailangang ikabahala ng buong komunidad.

Ayon kay Maravilla, ilan sa mga insidenteng napansin ng kanilang barangay ay may kaugnayan sa pagnanakaw, lalo na matapos ang pananalasa ng bagyo. Ipinaliwanag niya na may ilang pagkakataon na sinamantala ng ilang indibidwal ang sitwasyon matapos masira ang mga bahay at maapektuhan ang kabuhayan ng mga residente.

Dahil dito, pinaigting umano ng barangay ang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad. Patuloy rin ang pagpapaalala sa mga residente na maging alerto at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.

Advertisement

Binigyang-diin ni Maravilla ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga residente, barangay officials, at kapulisan upang maiwasan ang pagdami ng mga insidente ng krimen at mapanatiling ligtas ang Barangay Poblacion.

Samantala, patuloy naman ang monitoring ng barangay sa peace and order situation, lalo na sa panahon ng pagbangon ng komunidad mula sa epekto ng mga kalamidad.

Advertisement