Magiging mas mahigpit at nakatutok sa kakayahan ang pagkuha ng mga kawani ng pamahalaan matapos maglabas ng bagong panuntunan ang Civil Service Commission (CSC). Layunin ng hakbang na tuldukan ang tradisyunal at paper-based na sistema ng recruitment at palitan ito ng proseso na nakabase sa tunay na abilidad ng mga aplikante.
Ayon sa CSC Resolution No. 2600005, inatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na ipatupad ang Competency-Based Human Resource Management Systems (CBHRMS). Sa halip na tumutok lamang sa mga dokumento at compliance, gagamitin ang sistemang ito upang masiguro na ang mga nakaupo sa pwesto ay may tamang husay at kakayahan upang mapabuti ang serbisyo publiko.
Binibigyang-diin ng CSC ang tatlong aspeto sa pag-hire: ang core competencies, tulad ng pagiging citizen-centered, kahusayan, at integridad; ang leadership competencies para sa mga manager at supervisor; at ang technical competencies na nakabatay sa mismong tungkulin ng trabaho.
Inatasan din ang mga ahensya na i-update ang kanilang mga polisiya sa human resource, kabilang ang Merit Selection Plan, Strategic Performance Management System, at ang Program on Awards and Incentives for Service Excellence.
Ayon sa CSC, magiging epektibo ang resolusyon 15 araw matapos itong mailathala sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon o sa Official Gazette.
Sa pamamagitan ng bagong sistema, inaasahan ng CSC na mas mapapabuti ang kalidad ng serbisyo publiko, at masisiguro na ang mga hinirang na kawani ng gobyerno ay talagang may kakayahan at integridad na gampanan ang kanilang tungkulin.














