NAGA CITY– Inaasahan na umano ni Naga City Mayor Nelson Legacion na malaki ang epekto ng ipinatupad na curfew sa naturang lungsod.
Ito’y dahil sa mas pinahigpit na security measures kaugnay ng banta na dala na Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Legacion, sinabi nitong aminado siya na maaaring maapektuhan nito ang negosyo, turismo at ekonomiya ng lungsod.
Subalit ayon kay Legacion, sa ayaw at sa gusto ng mga mamamayan kailangang isagawa ang nasabing mga hakbang para maprotektahan ang kalusugan at buhay ng taong bayan.
Nabatid na mula alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ang period ng nasabing curfew.
Hindi naman saklaw ng curfew hours ang mga frontline workers tulad ng mga medical personnel, media companies, law enforcement units at Business Process Outsourcing (BPO) companies.
Samantala, ayon Legacion mahigpit din nilang tinututukan sa ngayon ang general quarantine ng lahat na Person Under Monitoring (PUM) lalo na ang mga galing sa Metro Manila.