Naglabas ng babala ang Department of Agriculture (DA) laban sa kumakalat na maling impormasyon kaugnay sa kanilang Swine Repopulation Project (SRP), na layong buhayin muli ang industriya ng baboy sa bansa.
Ayon sa DA, ang SRP ay isang tatlong taong programa na naglalayong maibalik at mapalakas ang populasyon ng baboy matapos ang pinsalang dulot ng African Swine Fever (ASF).
Ipinaliwanag ng ahensya na bahagi ng proyekto ang pagtatatag ng maayos at ligtas na breeding system—mula source farms hanggang multiplier at production farms—gamit ang siyentipiko at biosecure na pamamaraan.
Inaasahan din ng DA na makakatulong ang SRP sa pagpapatatag ng suplay ng baboy at sa pagpapababa at pagpapatatag ng presyo ng karne sa lokal na merkado.
Dagdag pa ng ahensya, katuwang ng SRP ang mga umiiral na programa tulad ng INSPIRE Program at ang Swine Industry Recovery Project (SIRP).
Kasama rin sa SRP ang pagbili ng mga “gilt” o batang inahing baboy mula sa mga accredited breeder farms na ipapamahagi sa multiplier farms upang paramihin at maipasa sa mga benepisyaryo.
Ayon sa DA, depende sa kwalipikasyon, maaaring makatanggap ang isang farm ng 25 hanggang 2,000 baboy bilang bahagi ng programa.














