NAGA CITY – Napansin umano ng Department of Agriculture (DA)-Bicol ang pagdagdag ng nasa P.50 haggang P1 sa presyo ng itlog ayon naman sa kanilang weekly price monitoring.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Mary Grace Rodriguez, Chief Field Operation Division ng nasabing ahensiya, sinabi na ang naturang pagbabago sa presyo ng itlog ay epekto pa rin ng pagdagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon pa dito, isa ang probinsiya ng Camarines Sur sa primerong producer ng itlog sa buong rehiyon.
Kaugnay nito, nangangailangan rin umano ng gasolina sa pag-dedeliver ng mga ito sa iba’t-ibang bahagi ng Bicol region.
Ngunit, paglilinaw pa ni Rodriguez na ang idinagdag sa presyo ng itlog ay naka depende sa distansya ng pagdadalhan mula sa producer.
Sinabi pa nito, na wala naman umanong nakikitang problema sa bahagi ng produksyon ng itlog sa rehiyon.
Kung tutuusin umano, nakakatulong pa rin ang Bicol sa mga katabing lalawigan sa pag-supply ng nasabing produkto.
Samantala, maliban pa dito, kasama rin sa kanilang minomonitor ang presyo ng mga major agricultural products katulad na lamang ng bigas, mais at iba pang mga gulay kung saan mayroon na ring nakikitang minimal na paggalaw sa presyo.