Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang nationwide rollout ng ₱10-bilyong Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) upang suportahan ang milyun-milyong magsasaka at mangingisda na apektado ng mataas na gastos sa produksyon at langis.
Ang programa ay pinondohan sa ilalim ng Republic Act No. 12314 at magbibigay ng tig-₱2,325 na cash assistance sa mahigit 4.17 milyong benepisyaryo sa buong bansa.
Ayon sa DA, target ng programa ang maliliit na agricultural producers na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, na nagpapataas sa gastos sa irigasyon, makinarya, at operasyon ng pangingisda.
Upang maging kwalipikado, kinakailangang nakarehistro ang mga benepisyaryo sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at sa BoatR para sa municipal fisherfolk.
Kabilang sa target beneficiaries ang mga rice farmer na may lupang hindi hihigit sa dalawang ektarya, pati na rin ang mga magsasaka ng mais at tubo, at mga mangingisdang gumagamit ng motorized boats.
Ayon kay Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang tulong pinansyal na ito upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa sektor ng agrikultura.
“This financial assistance… provides a lifeline for over 4.1 million Filipino farmers and fisherfolk,” ani Laurel.
Nakatakdang simulan ang unang bugso ng pamamahagi ng ayuda ngayong linggo sa Regions I, II, III, VI, at IX, kung saan inaasahang libo-libong benepisyaryo ang agad na makakatanggap ng tulong.
Dagdag ng ahensya, patuloy nitong pinapahusay ang master list at distribution system upang maiwasan ang mga problema sa implementasyon at matiyak ang transparency sa pamamahagi ng ayuda.














